Posts from the ‘Uncategorized’ Category

Reminiscing Old Times

Up, Up, Down, Down, Left, Right, Left, Right, B, A, Start.

Kung pamilyar sayo ang nakasulat sa taas malamang na alam mo din ang koneksyon ng lapis sa cassette tape. Nakakatuwang balikan ang panahon. May sari-sarili tayong kwento na nakakatuwang ibahagi sa mga kabataan ngayon. Para may alam naman silang gawin maliban sa mag facebook, twitter, DOTA, counterstrike at farmville.

Nung wala pang android at IOS, nung hindi pa uso ang BB at symbian. Nalikha ang isang alamat. Ang family computer. Noon pag may family computer kayo, it’s either maykaya kayo o nasa Saudi ang magulang mo. Naalala ko pa noon na halos mapagalitan pa ko pag nagpapasaksak (yun pa yung term noon) ako ng family computer. Mahabang pagtatalo pa yan sa makunsumo sa kuryente, masisira yung binili ng tatay mo, mahal ang bala (cartridge) at marami pang iba. Ang paborito ko noon ay yung hogan’s alley, yung may lalakad na goon tapos magbibilang ng hanggang 3 tapos sasabihing draw at unahan kayong bumaril. Korni pero masaya na kong makita na tumatalsik ang peluka nung goon o di kaya ay malalaglag ang pantalon. Kung gusto mo naman ng mas challenging duck hunt kung saan babarilin mo ang lumilipad na pato at pag di mo tinamaan ay tatawanan ka nung bwisit na aso. Yung code naman sa taas ay sa contra, yung talon ng talon at baril ng baril na parang super old version ng metal slug.

Ngayon kung wala ka namang family computer noon, meron ka namang ibang choice ng libangan, ito ang TELEBISYON. Sonic Ears, Bio Xray, Yellow Arrow. Maraming sumubok na pumalit sa Bioman, nandyan ang power rangers, maskman (na halos kasabayan nya din), fiveman, Jet man, at kung anu-ano pang super teams na pag nagsama sama ay nakakabuo ng malaking robot ang mga vehicles nila at sa di maintindihang dahilan eh kailangan patayin muna ng maliit ang kalaban tapos saka biglang palalakihin na parang bibigyan ng cherifer. Kung ayaw mo naman ng group heroes. Andyan si Alexis at Annie. Si Shaider ay isang pulis pangkalawakan at si Annie ang ehem… kanyang sidekick. Kung si darna ay korni dahil batang uhugin na may tirador ang sidekick, ibahin nyo si Shaider, cute na naka mini skirt ang sidekick nya sa kasamaang palad lang e para silang anime dalawa ni Alexis dahil sa buong season ng Shaider e 2 o tatlong beses ko lang sila nakitang nagsuot ng ibang damit. Kung trip mo naman ng hindi tao ang sidekick, syempre si Machine man ang number one at ang kanyang sidekick na si buknoy the fighting ball. Ang hindi ko lang maintindihan kay machine man pag may nakita syang kalaban nasa harap nya lang pero tatawagin nya yung sasakyan (na sa di rin malamang dahilan e minamaneho nya ng nakadapa) at kung saan saan pa syang tunnel, tulay etc. dadaan. Isa pa sa may hindi taong sidekick ay si Mask rider black na kinakausap ang motor nya na si battle hopper. Na minsan ng naglayas dahil sa nagselos sa bagong model na motor nya. Tsk tsk. napakalalim ng kwento diba? Marami pang makukulit na palabas noon na talaga namang tatalunin ang Ironman at The Avengers sa special effect. Isa na rito ang da best among da best na si Lito Lapid and his wonder balisong.May mga palabas din naman noon na educational ang theme. Nariyan si kiko matsing, Pong pagong, ate shena at kuya bodjie ng batibot, si agatom at ugat-puno ng sineskwela, at ang paulit ulit na pagbibilang sa ATBP. (Awit, Titik at Bilang na Pambata).

Kung wala naman kayong TV at isa kayo sa mga nakikisilip sa bintana ng kapitbahay pag nanonood sila, hindi pa rin baduy ang childhood nyo, marami pa rin kayong pwedeng libangan kagaya ng pagbabasa ng Funny Comics, at kung medyo burara ang tatay mo ay malamang na nakita mo rin ang L na L komiks at ang Pakaplog. Nandito ang tagalog version ng Tom and Jerry na si Tomas at Kulas, si Megaman na naging Combatron, si Tinay Pinay, dito mo magagamit ang itinuro sayo ni Kapitan Basa. Eto rin ang panahon na may Xerex Xaviera pa sa dyaryo na unang binabasa ng tatay mo na kunwari ay seryosong iniintindi ang mga balita.

Kung wala kayong TV, Family Computer at Komiks. Don’t worry madali lang maging masaya noon. Sasabihin lang ng katabi mo “knock knock” sasagot ka ng “who’s there?” at sasabihin nya “ako maba” tapos sasabihan mo ng “ako maba who?” at tatawa na sya nang tatawa habang ikaw ay clueless. Kung masyado naman nang gasgas sayo ang knock knock jokes meron pang pilipino, amerikano, at hapon competition jokes. napakaraming version nito kaya sinisigurado ko kahit sa panahon ngayon hindi mo pa naririnig lahat.

Kung wala ka pa ring naencounter sa mga nabanggit siguro naman may mga laruan kayo noon. Naalala ko pa ang Alphabet Robots. Ang Bio Robot ko na nawala na lang ng parang bula sa eskwelahan namin, ang mga plastic soldiers at ang tatlong backpack ko ng Jolen at Teks. Lagi pa kong sinasabihan ng tatay ko na pakukuluan ang Teks ko at ipapakain sakin dahil ayaw kong kumain ng gulay. Sorry na lang di nya ko kayang takutin kaya hanggang ngayon pangarap nya na lang na makita akong kumakain ng repolyo.  Sa babae naman ay uso ang Barbie, yung ate ko may tatlong barbie, isa dun yung walang ulo. Marami din ako noong tau-tauhan na laruan na napapanalunan sa pagbili ng tigpipisong chicherya, at the best noon yung laruan na nakaparachute pag hinahagis mo at yung baril barilan na may kulay yellow na bala na ikinakabit sa ilong at tenga at minsan sa dila.

Marami pang mga bagay na nakakatuwa noon, mga bagay na okay sana kung naranasan din ng mga kabataan ngayon. Kayo kamusta naman ang childhood nyo?

Bagong Simula

Naranasan nyo na bang ulitin ang isang bagay. Yun bang tipong babalik  ka ulit sa umpisa. Nakakainis diba? Halimbawa nung nag-aaral pa tayo may mga binibigay na projects, o kaya term paper na ginawa mo, ipiprint mo na lang ng namatay ang computer o di kaya nasira ang diskette (hindi pa uso ang USB nung panahon ko) at sa kasamaang palad hindi mo nai-save o di kaya ay wala kang back up. Bad trip talaga di ba? Start from scratch, nasayang ang pagod, pera, panahon o oras sa wala. Hindi mo gusto pero wala kang magawa kung hindi ulitin ang mga ginawa mo.
Wala itong pinag-iba sa paglipat sa bagong trabaho. Magsisimula ka ulit sa umpisa. Pag aaralan ang bagong proseso, aalamin ang pasikot-sikot, maglalakad ng mga requirements. Lahat uulitin mo. Makikipagkilala ka ulit, mga bagong kaibigan, mga bagong problema.  Minsan mahirap mag adjust, lalo na kung nasanay ka na sa dati mong ginagawa.
Pero may ilang bagay na maganda sa pag-ulit ng mga bagay. Una mas nagagawa mo ito ng mabilis. Kasi nga nasubukan mo nang gawin minsan kaya yung pangalawa pangatlo, pang-apat ay mas madali na. Pangalawa, nagkakaroon ka ng pagkakataon na ayusin o itama yung mga bagay na nagawa mo ng mali nung una. Maaaring nung unang beses mong ginawa ay may napansin kang nagiging problema kaya pag inulit mo ay sosolusyunan mo na ito agad. Sabi nga nila experience is the best teacher at learn from your mistakes. Sa paulit ulit na proseso ng buhay natin hindi lang isa o dalawang beses tayong madadapa, babagsak, magkakamali o uulit sa simula. Ang mahalaga rito ay ang kapasidad nating bumangon o magsimula ulit. Ito ang magiging batayan ng ating kakayahan. Sa isang karera hindi natatapos ang laban pag nadapa ang isang kalahok. Natatapos ito kung nakatawid ka na sa linya. Kapag narating mo na ang tugatog ng tagumpay.

Pagbabalik sa telepono

Ang tagal ko din hindi nakapagsulat, galing na ko sa tatlong buwan na bakasyon pero hindi pa din ako nakapag dagdag sa blog ko, anyways matapos ang isang taon na pag kukyu ey ko, naisip ko na nakakasawa, hindi ko gusto yung pinoproblema mo ang dapat problema ng iba, kung pangit at hindi nila magawa o hindi nila gustong gawin ng maayos ang trabaho nila e ikaw ang mamromroblema.
Kaya naisipan kong bumalik sa telepono. Kasi wala kong pakialam kung mali ang ginagawa ng kateammate ko, pwede ko syang turuan pero hindi ako maaapektuhan kung hindi sya makikinig. Ang pagkakaroon ng bayad sa extra hours sa opisina, hay salamat naman

Kabilang buhay

Galing lang tau sa araw ng mga patay, hindi lang minsan ko hiniling na sana mamatay na lang ako, kasi parang ang sarap nun diba? Wala ka na pinoproblema, wala ka nang iisipin, nakahiga ka na lang sa kabaong, patay, pagkain ng uod, hindi nagugutom, di nauuhaw, di nahihirapan at di nasasaktan, ako kasi yung taong tamad kaya mahilig ako magpahinga, so yung rest in peace mas maganda ata un, sa opinyon ko lang naman,

I wanna be a billionaire so freakin bad!!!

Kanina sa opisina out of the blue e sinabi ng aking bossing na “ay tumaya nga pala ko sa lotto, matignan nga kung nanalo ako” Hay maging mayaman, lahat ng tao yun ang gusto, kahit mayaman na nga ang gusto pa dn na mas yumaman pa, lalo pa sa mga taong mahihirap at lalo na sa bansang ito. Sadly ang pagyaman sa bansa natin ay maliit ang tsansa, kaya nga may mga haters ng Pilipinas na kagaya ni Angie Ligot na mayaman daw sya at nag-aaral sa DLSU at naiinis sa Pilipinas dahil ang pangit daw ng mga tao.
Ang sakit isipin na dahil sa pangarap ng tao na maging mayaman may mga ilang tao din na nagpapanggap na lang na mayaman at may kaya para lang kahit sa internet man lamang ay maramdaman nila ang feeling ng may kaya sa buhay, ako ay aminado na mahirap ako, at proud ako dun, bakit hindi, kasi dahil mahirap ako natuto ako na magtrabaho para may makain ako, masakit kasi sa mata pag nakakakita ako lalo na sa mall ng mga anak ng mayayaman na may hawak na psp or anumang mamahaling phone na sa edad na 7 o 8 taon ay grabe kung murahin ang kanilang katulong, hindi ko naman nilalahat ang mayayaman, may mga mayaman naman na hindi ganun ang ugali eh, kaya lang sadly meron din na ganun, hindi ko din naman sinasabi na lahat ng mahirap ay mabait dahil marami din na mahirap n nga eh masama pa ang pinaggagagawa, ang point ko lang is di ba mas masarap yung yaman na hindi nabibilang, yung yaman na hindi nauubos, kasi kahit saang mall ka magpunta wala kang makikita na mabibilhan ng kapayapaan ng isip at kaluwalhatian ng kalooban.

Damit……

Hindi ako mahilig sa damit!!! Ako yung tipo ng tao na hindi alam ang mga bagong uso, mga iba’t-ibang klase o uri ng damit. Hindi rin ako mahilig sa branded at para sakin e aksaya ng pera ang pagbili ng mamahaling damit dahil nadudumihan at naluluma lang din naman sila. Ang damit kasi sakin e parang gift wrapper o di kaya ay balat ng candy, Makikita mo na maganda o hindi ang wrapper, malaki o maliit ang lalagyan pero hindi mo alam kung ano ang nasa loob. Pero aminado ako na napakamakapangyarihan ng damit. Kung ang damit mo ay kagaya ko na mukhang gusgusin at walang pera ay hindi ka magtatangka na holdapin ako o di kaya ay i-snatch ang gamit na dala ko. Samantalang pag nasa mall naman ako at branded o mamahalin ang damit ko malamang na sobrang aasikasuhin mo ako kahit na 8 pesos na lang na pamasahe pauwi ang laman ng bulsa ko. Naalala ko pa nung time na bibili kami ng ipod touch at syempre dahil malapit lang ang mall nagpunta kami ng kaibigan ko at girlfriend ko sa Trinoma sa powermac para magtanong. At dahil nakapambahay kami kahit na disente naman at malinis since hindi branded ang tatak ng damit ay para kaming mga yagit na nanghihingi ng limos dahil ayaw man lang kami iassist ng sales clerk nila. At talagang kung tumingin ay kulang na lang ay sabihin na “you can’t afford any of our products” hehe. So since nainis si girlfriend kaya nag-aya sya na lumipat sa ibang mall and of course sa kabila lang SM North EDSA. At dun naman masasabi ko na kabaliktaran ang nag-assist samin, pagpasok pa lang kahit na mas marami ang tao sa Power Mac dun once na may available hindi na namin kailangan maghanap ng mapagtatanungan automatiko na lumapit samin ang isa sa nag-aassist nagtanong kung ano ang kailangan namin at lahat ng tanong naman namin ay matiyaga nyang sinagot. Inooffer nya pa ang mas magandang option kesa sa una naming napagpilian. Samakatwid ay dahil sa maganda niyang serbisyo nahikayat nya kaming bumili ng produkto nya. Hanga ako sa taong kayang tumingin ng lagpas sa panlabas na kaanyuan. Aminado ako na ako man ay tumitingin din sa physical appearance. Pero hanga ako sa ibang sales representative na hindi iniisip kung kaya bang bilhin ng nagtatanong ang produkto nya kundi matiyaga nyang sasagutin ang lahat ng gusto mong malaman tungkol dito. Ayon nga sa aming fish training “Even if they are just looking and not buying we have to accommodate them because they are the future customers”.

Balik tayo sa damit. Kaya ko naisulat ito ay dahil sa isang damit na kahit hindi ko gusto ang tela. Hindi ko balak bumili at ayoko ng kulay ay napabili ako. Dahil sa statement na nakasulat dito ay lumalarawan sa pagkatao ko.

 

 

 

Super Powers

Kung magkakaroon ka ng super powers ano ang pipiliin mo? Makalipad kagaya ni superman ? Maging malakas kagaya ni Hulk?  Regeneration kagaya ni Wolverine? Karamihan sa atin ay yan ang mga pangarap na super powers. Kung ako ang tatanungin ay mas pipiliin ko ang maging kagaya ni Mystique sa X-men ang kakayahang magaya ang kahit sino o kahit ano. Shape Shifting kung tawagin nila. Identity, wala ako nun, ako yung tipo ng tao na makakasalubong mo sa daan na hindi mo man lang maaalala, para lang akong isang bacteria na sa dinami dami ng bacteria ay hindi mo man lang mapapansin. Naalala ko tuloy ung animated movie na Madagascar, yung zebra na napaka common at walang pinagkaiba sa lahat ng zebra sa africa. Alam ko na pag shape shifter ka, pwede kang maging kahit sino pero ang suma tutal ay wala ka pa ring sariling pagkakakilanlan. Para ka lang pirated DVD sa Quiapo. Parang imitation ng Converse at para kang si Willie Nepomuceno na ginagaya lang ang iba. Pero mas gusto ko pa rin ito. Hindi ka man kasing lakas ni Superman maitatago mo naman ang kahinaan mo. Hindi ka man matapang kagaya ni Wolverine malilinlang mo naman ang iba na matapang ka din kahit ang totoo nanginginig ang tuhod mo. Sa buhay ko dumating yung time na nakamit ko yung kapangyarihan na yan. Sa telepono ako ang may alam ng lahat.  Sa telepono kaya kong sabihin kahit na sino ako. Sa telepono napapalitan ko ang pangalan at pagkatao ko. Kung magagawa ko lang to sa totoong buhay siguro ibang tao ako. Pero dahil sa eto lang ako. Hayaan mong baguhin ko ang katauhan ko gamit ang blog na ito..